2.4 milyong pasahero inaasahang dadagsa sa PITX ngayong Undas 2024
Pinaghahandaan na ng pamunuan ng Paran̈aque Integrated Terminal Exchange (PITX) ang seguridad ng inaasahang pagdagsa ng 2.4 milyong pasahero rito upang umuwi sa kani-kanilang probinsiya para gunitain ang Undas ngayong taon.
Nakikipag-ugnayan na ang PITX sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan katulad ng
Department of Transportation (DOTr), Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB), Land Transportation Office (LTO), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Philippine National Police (PNP) upang siguruhin ang kaayusan at kaligtasan ng mga pasahero.
Nangako naman ang LTFRB na mag-iisyu ito ng special permit para sa mga bus sa PITX upang maserbisyuhan ang malaking bilang ng mga pasahero.
Mahigpit na seguridad naman ang ipatutupad sa naturang terminal kung saan mabusising inspeksiyon ang gagawin ng LTO sa mga PUVs para sa kaligtasan ng mga pasahero at matiyak na ligtas o maayos ang kanilang biyahe.
Magdedeploy naman ang MMDA ng mga ambulansya na tutugon sa emergencies at traffic enforcer para magmando ng daloy ng trapiko sa lugar.
Pinaalalahanan din ng pamunuan ng PITX ang mga pasahero na agahan ang pagpunta sa terminal upang mayroon silang sapat na panahong suriin ang iskedyul sa bus na kanilang sasakyan.
Samantala inaasahang mag-uumpisa ang Oplan UNDAS 2024 sa Oktubre 27 hanggang Nobyembre 4. (Bhelle Gamboa)