240 pang PDLs, pinalaya ng BuCor
Pinalaya ng Bureau of Corrections (BuCor) ang 240 pang persons deprived of liberty (PDLs) mula sa mga pinamamahalaang kulungan sa bansa, sa ginanap na culminating activity sa New Bilibid Prison (NBP) Sunken Garden ng NBP Compound sa Muntinlupa City dakong alas-9:00 ng umaga ngayong Oktubre 21.
Ayon sa ulat ng BuCor umabot sa kabuuang 6,110 PDLs na ang lumaya simula noong Enero 2024.
Isang misa ang unang idinaos bago ang aktibidad na ito na bahagi sa selebrasyon ng BuCor para sa National Correctional Consciousness Week.
Inihayag ni BuCor Director General Gregorio Catapang Jr. na ang mga lumayang inmates, 124 rito ang nakatapos na ng kanilang hatol, 30 ang absuwelto, 16 ang nasa ilalim ng probation, 69 ang napagkalooban ng parole, at isa ang naturn- over sa jail ( dahil sa ibang nakabinbin na kaso).
Sinabi pa ni Catapang na sa naturang bilang, 19 rito ay mula sa Correctional Institution for Women ( CIW – Mandaluyong City), dalawa sa CIW – Mindanao, 33 sa Davao Prison and Penal Farm, anim sa Iwahig Prison and Penal Farm, 15 buhat sa Leyte Regional Prison, 49 sa New Bilibid Prison (NBP) – Maximum Security Camp, 48 sa NBP – Medium Security Camp, 10 sa NBP – Minimum Security Camp, lima sa NBP – Reception and Diagnostic Center, 23 sa Sablayan Prison and Penal Farm, at 30 naman sa San Ramon Prison and Penal Farm.
Hinikayat ng BuCor chief ang mga lumayang PDLs na panghawakan na ang ikalawang pagkakataong ito ng kanilang buhay nang may pagpapasalamat at responsibilidad, at yakapin ito ng bagong simula ng determinasyon at pangakong positibong pagbabago.
“Let us reaffirm our commitment to building a more inclusive and compassionate society and let us recognized that everyone deserves a second chance. Let us extend a hand of support to those who are seeking to rebuild their lives,” dagdag ni Catapang. (Bhelle Gamboa)