66 sa 183 na naghain ng COC sa pagka-senador mapapasama sa opisyal na listahan ng kandidato sa 2025 elections
Animnapu’t anim na kandidato sa pagka-senador ang itinuring ng Commission on Elections na legitimate at maaaring isama sa opisyal na listahan ng mga kandidato sa 2025 National and Local Elections.
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, sa 183 na aspirante na naghain ng Certificate of Candidacy (COC), 66 ang papayagang makalahok sa halalan.
Ang natitirang 117 naman ay sasailalim sa pagdinig ng dalawang Comelec Divisons.
Sa gagawing hearing, bibigyan sila ng due process at pagpapaliwanagin kung bakit hindi sila dapat maideklarang nuisance candidates.
Sa ngayon sinabi ni Garcia na partial list pa lamang ang 66 na naituring na valid at legitimate candidates.
Maaari pa aniya itong mabago depende sa magiging pasya ng Comelec Divisions at En Banc sa kapalaran ng 117 na aspirante. (DDC)