48 pang OFWs mula Lebanon dumating sa bansa
Nasa kabuuang 48 na overseas Filipino workers (OFWs) ang matagumpay na nakauwi mula Lebanon sa gitna ng patuloy na kaguluhan sa pagitan ng Hezbollah at Israel.
Ayon sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), ang mga umuwi ay binubuo ng 11 OFWs at 37 na mga Overseas Filipinos (OFs) lulan ng anim na flights.
Sa kabuuan, umabot na sa 461 OFWs at 28 dependents ang napauwi sa pamamagitan ng voluntary repatriation program ng pamahalaan.
Sinalubong sila ng OWWA sa pangunguna ni Repatriations Head Atty. Falconi Millar kasama ng mga kawani mula sa Department of Foreign Affairs, Republic of the Philippines, Department of Migrant Workers (DMW) at Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Bukod sa financial assistance, nagpaabot din ang OWWA ng food at transportation assistance pati na rin hotel accommodation, kung kinakailangan, para sa ating mga kababayan.
Patuloy ang pagtulong ng OWWA at ng ibang ahensya ng gobyerno sa mga Kababayan nating OFWs na naapektuhan ng kaguluhan sa ibang bansa, para mabigyan sila ng kinakailangang suporta sa kanilang pag-uwi at reintegrasyon sa Pilipinas. (Bhelle Gamboa)