Dugyot na factory ng taho sa Baguio City, ipinasara
Ipinag-utos ni Baguio City Mayor Benjamin B. Magalong ang pagpapasara sa isang factory ng ‘taho’ sa lungsod dahil sa pagiging madumi nito.
Ayon sa Baguio City LGU, ang unsanitary operations ng pagawaan ng taho ay malinaw na paglabag sa Environmental Code at City Ordinance No. 571-1973.
Inireklamo ng isang concerned citizen ang nasabing factory dahil sa matinding usok na magmumula dito.
Dahil sa reklamo, agad nag-inspeksyon sa lugar ang mga tauhan ng City Environment and Parks Management Office – Environment Management Division (CEPMO-EMD) kasama ang Permits and Licensing Division (PLD), Public and Order Safety Division (POSD), Sanitation Division at City Health Services Office.
Ayon sa City LGU, gumagamit ng kahoy bilang panggatong ang factory dahilan para magdulot ito ng polusyon.
Iniutos ni Magalong na kanselahin na ang business permits ng nasabing factory at ng dalawa pang taho factories na matatagpuan din sa parehong lugar. (DDC)