Ecstasy tablets na itinago sa coffee bean nakumpiska sa Clark
Nakumpiska ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) sa Port of Clark ang halos 5,000 piraso ng Ecstasy tablets o “party drugs” na tinangkalng ipuslit papasok sa bansa.
Ang mga ilegal na droga na nagkakahalaga ng P8.314 million ay itinago sa kahon ng mga kape na galing ng Netherlands.
Isinailalim sa X-ray Inspection at K9 inspection ang kargamento at doon nakumpirma ang presensya ng ilegal na droga.
Nang buksan ang shipment nakita ang isang kahon ng espresso capsules at tatlong kahon ng coffee beans.
Isinama ang mga Ecstasy tablets sa loob ng coffee beans.
Nagpalabas na ng Warrant of Seizure and Detention laban sa shipment dahil sa paglabag sa Republic Act No. 10863 o Customs Modernization and Tariff Act (CMTA), in relation to Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (DDC)