Amerika kinondena ang mga aksyon ng China sa West PH Sea
Mariing kinondena ng Amerika ang mga mapanganib na aksyon na ginagawa ng China sa South China Sea.
Sa opening statement sa ASEAN-US Summit sa Vientiane, Lao Peoples’ Democratic Republic, sinabi ni US Secretary of State Antony Blinken na na labis na nakababahala ang tumataas na insidente ng mapanganib at iligal na aksyon ng China sa South China Sea.
Ayon kay Blinken, ang mga agresibong aksyon ng China ay nakasasakit na ng mga tao, nakapipinsala ng mga barko ng ASEAN countries at taliwas sa commitments para sa mapayapang resolusyon ng away.
Iginiit ni Blinken ang patuloy na suporta ng Amerika sa freedom of navigation at freedom of overflight sa Indo Pacific.
“We remain concerned about China’s increasingly dangerous and unlawful actions in the South and East China Seas, which have injured people, harmed vessels from Asean nations and contradicted commitments to peaceful resolution of disputes,” sabi ni Blinken sa ASEAN leaders.
“The United States will continue to support freedom of navigation and freedom of overflight in the Indo-Pacific. We also believe it’s important to maintain our shared commitment to protect stability across the Taiwan Strait,” pahayag ni Blinken.
Sa intervention naman ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., binigyang diin nito na ang seguridad at kasagaan ng ASEAN ay pinalalakas ng patuloy na suporta ng mga partner nito.
Kaya naman nagpasalamat ang Pangulo sa maaasahan at aktibong presensya ng Amerika sa rehiyon.
Tinawag nito ang Amerika na pwersang magsusulong ng kapayapaan, katatagan at seguridad sa Indo-Pacific.
Ayon kay Pangulong Marcos, pinahahalagahan nito ang tuloy-tuloy na suporta ng Amerika para sa ASEAN Centrality. (CY)