MGen Sidney Hernia bagong hepe ng NCRPO
Pormal nang umupo sa puwesto si Major General Sidney Sultan Hernia bilang bagong Regional Director ng National Capital Region Police Office (NCRPO).
Pinangunahan ni Philippine National Police (PNP) Chief, General Rommel Francisco D. Marbil ang seremonya ng pagsasalin ng liderato para sa opisyal na pag-upo sa puwesto ni MGen Hernia bilang pinuno ng NCRPO kapalit ni MGen Jose Melencio C. Nartatez, na ginanap sa NCRPO Multi-purpose Hall, Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City nitong Oktubre 9.
Dinaluhan ang seremonya ng mga panauhin, iba’t ibang kaalyadong ahensiya, at mga tauhan ng NCRPO.
Nagpasalamat si MGen Nartatez para sa oportunidad na pamunuan ang NCRPO kung saan binigyang-diin nito ang mga nakamit na tagumpay sa loob ng 15 na buwan nitong pamamahala kabilang na ang resolusyon ng mga nakabinbin na kaso, maigting na anti-criminality efforts, at pinahusay na mga operasyon.
Inihayag ni Nartatez ang kanyang suporta kay Hernia kasabay ng panawagan nito sa mga tauhan ng NCRPO na ipagpatuloy ang kanilang dedikasyon na serbisyuhan ang mamamayan sa ilalim ng bagong liderato.
Buong-pusong nagpasalamat din si Hernia sa tiwala at kumpiyansang ibinigay sa kanya bilang hepe ng NCRPO.Malugod din niyang binati at kinikilala ang pundasyong nagawa ni Nartatez para sa Metro Manila.
“I came to realize the importance of continuity. Therefore, I will continue the existing programs projects and innovations. If there are part of it that needs to adjust we will make necessary arrangements,” sabi ni MGen Herniahe.
Pinuri naman ni Gen Marbil ang dalawang opisyal para sa kanilang hindi matatawarang pagseserbisyo sa publiko kung saan binanggit nito ang mahalagang hakbang ni Nartatez partikular sa pagpapalakas ng mga inisyatiba sa peace and order at suporta sa kampanya kontra ilegal na droga sa Metro Manila.
“PMGen Nartatez leaves behind a legacy of outstanding leadership. I am confident that PMGen Hernia will continue this tradition of excellence, ensuring the safety and security of every citizen in Metro Manila,” ani PGen Marbil.
Ang turnover ceremony ay sumisimbolo sa muling pangako ng serbisyo publiko sa pamamahala ni Hernia sa NCRPO na may responsibilidad na siguruhin ang kaligtasan ng milyun-milyong residente ng Metro Manila. (Bhelle Gamboa)