Pang. Marcos hinikayat ang mga kasapi ng ASEAN na palakasin ang connectivity at katatagan sa rehiyon

Pang. Marcos hinikayat ang mga kasapi ng ASEAN na palakasin ang connectivity at katatagan sa rehiyon

Hinikayat ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga kasapi ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) na palakasin ang connectivity at resilience o katatagan sa rehiyon sa pamamagitan ng pagtugon sa mga kumplikadong hamon na kinakaharap nito.

Sa kanyang talumpati sa ika-44 ASEAN Summit plenary, binigyang-diin ni PBBM ang pangangailangan para sa mga bansang kasapi ng asosasyon na magtulungan upang palakasin ang digital economy ng rehiyon, seguridad sa pagkain, turismo, at pagsusulong ng kapangyarihan ng kababaihan at pagkakapantay-pantay ng kasarian.

Binanggit din ng pangulo ang kahalagahan ng pagtutulungan upang mabawasan ang epekto ng pagbabago ng klima.

Sa usapin naman ng digital economy, sinabi ng Chief Executive na kailangan nilang ihanda ang pundasyon para sa isang ligtas at trusted digital environment na magtutulak sa ASEAN sa isang bagong panahon ng inobasyon, paglago, at mga oportunidad.

Aniya, dapat itong mamuhunan sa matibay na proteksyon ng cybersecurity, sanayin ang kanilang mga mamamayan sa digital skills, at tiyakin ang seguridad ng kanilang digital infrastructure habang ang ASEAN Digital Economy Framework Agreement (DEFA) ay inaasahang magpapalakas sa digital economy ng rehiyon hanggang US$2 trilyon pagsapit ng 2030.

Sa aspeto ng seguridad sa pagkain, sinabi ni Pangulong Marcos na kailangang tanggapin ng mga kasapi ng ASEAN ang mga sustainable agricultural practices upang palakasin ang food systems sa rehiyon sa gitna ng mga banta mula sa pagkaantala ng supply chain, mga pang-ekonomiyang krisis, at mga pagbabago sa panahon.

Binanggit din ng Punong Ehekutibo ang pagtataguyod ng Pilipinas ng ASEAN regional tourism action plans, kabilang ang promosyon ng mayamang kultura at pamana ng rehiyon, at ang pagsusulong ng inklusibo at sustainable tourism.

Maliban dito, ibinahagi rin ng Presidente ang mga pagsisikap ng pamahalaan ng Pilipinas sa pagsusulong ng kapangyarihan ng kababaihan at gender equality habang kinikilala ang mahalagang papel ng kababaihan sa pagbuo ng komunidad sa ASEAN, lalo na sa mga inisyatibo para sa kapayapaan. (CY)

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

newsflashph

newsflashph

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *