11 PDLs ng BuCor degree holder na

11 PDLs ng BuCor degree holder na

Patunay lamang na ang edukasyon ay para sa lahat kasunod nang ipinagmamalaking anunsyo ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. na grumaduate ang 11 persons deprived of liberty (PDLs) para sa Bachelor of Science in Entrepreneurship habang 57 iba pa ang nagtapos mula sa Senior High School ngayong Oktubre 9.

Nakasuot ng kani-kanilang toga nang magmartsa sa Education and Training Section ng New Bilibid Prison (NBP) Medium Security Camp Covered Court sa Muntinlupa City.

Ayon kay Catapang, isang patunay ito na ang pagkakabilanggo ay hindi sagabal para sa isang indibiduwal na magsumikap upang magtagumpay sa akademiko.

Pinasalamatan nito ang University of Perpetual Help System DALTA, sa pamumuno ni Chairman of the Board at CEO, Dr. Antonio Laperal Tamayo sa walang sawang pagtataguyod ng mahahalagang oportunidad pang-edukasyon at ang edukasyon ay para sa lahat.

Ang paghubog ng kaalaman sa mga PDLs ay bahagi sa pangunahing adbokasiya ng UPHSD BES para sa kanilang community outreach program sa loob ng nakalipas na apat na dekada.

Binigyang-diin ni Catapang na ang edukasyon ay nagpiprisinta sa mahalagang hakbang tungo sa rehabilitasyon para sa mga nakabilanggong indibiduwal kung saan makatutulong sa kanila ang matutunang kasanayan at kaalaman sa programa upang bigyan sila ng laban upang maging malaya sa siklo ng krimen at hindi na bumalik sa paggawa ng masama, na magpapabuti upang makakuha ng trabaho at integrasyon sa lipunan.

“These graduates will stand as symbols of hope and resilience for other PDLs as they overcome the challenges posed by their circumstances to achieve educational milestones,” ani Catapang.

“By fostering an environment of learning and growth, the PDL education program is transforming lives and promoting a safer society,” dagdag pa nito.

Sa ilalim ng programa, lumikha ang UPHSD BES ng curriculum at siniguro nitong maaabot ang pamantayang itinakda ng Commission on Higher Education (CHED) at Department of Education habang ang BuCor ayon kay Catapang ay mahalaga ang ginagampanang tungkulin upang ialok ang kailangang imprastraktura para sa epektibong pagtuturo gaya ng pagbibigay ng mga classroom o silid-aralan, libraries (silid-aklatan) at laboratoryo na naaangkop sa edukasyon samantalang sumisiguro sa kaligtasan at seguridad ng parehong faculty at estudyanteng PDLs.

Simula pa noong 1984 hanggang sa kasalukuyan, ang UPHSD ay nakalikha na ng 613 college graduates at 226 Senior High Graduates. (Bhelle Gamboa)

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

newsflashph

newsflashph

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *