Misis ng alkalde ng Parañaque naghain ng COC para tumakbong mayor sa lungsod
Naghain ng certificate of candidacy (COC) para sa pagka-alkalde si Aileen Claire Olivarez (ACO) sa tanggapan ng Commission on Elections (Comelec) sa Parañaque City ngayong araw.
Kasama ang ilang tagasuporta at staff isinumite ni ACO ang COC nito upang opisyal na isulong ang kanyang kandidatura bilang alkalde ng lungsod.
Si ACO ay maybahay ni incumbent City Mayor Eric Olivarez.
Sa pulong balitaan sinabi ni ACO na matagal na siyang umiikot sa iba’t ibang komunidad na bahagi ng pagtupad ng kanyang tungkulin bilang pinuno ng Parañaque City Cleanliness, Beautification and Sanitation;City Mitrition Action Officer; presidente ng Isang Plato Sagot Ko (IPSK) Foundation at Educator kung saan kabilang sa kanyang adbokasiya ang nutrisyon at kapakanan ng mga bata, kababaihan at senior citizens.
Aniya personal niyang nasaksihan ang mga problemang kinakaharap ng mga residente ng Parañaque bunsod ng kakulangan ng serbisyo mula sa city hall.
Inihayag ni ACO ang mga kwento ng ina na nag-alala sa kinabukasan ng kanilang mga anak, mga ama na naghahanap ng trabaho, at matatandaang tila napabayaan ng liderato ng lungsod.
Aminado rin si ACO na may kakulangan pa sa maayos na edukasyon at serbisyong pangkalusugan ang lungsod.
Nakita rin umano niya ang pagkabigo sa mga pangakong walang naging katuparan kung saan ang bagong Parañaque ay luma parin.
Puno parin ito ng mga problema na hindi naaksyunan mula sa trapik, baha, at kawalan ng maayos na serbisyong pangkalusugan. (Bhelle Gamboa)