15 taon makalipas ang bagyong Ondoy, Pamahalaang Panlalawigan ng Rizal, muling nanawagan ng total mining ban
Muling nanawagan ang Pamahalaang Panlalawigan ng Rizal para sa pagpapatigil ng lahat ng mining at quarrying activities sa lalawigan, 15-taon makalipas ang pananalasa ng Bagyong Ondoy.
Ayon sa pahayag na ibinahagi sa official Facebook Page ni Rizal Gov. Nina Ynares, bagaman bumangon ang Rizal mula sa trahedya, patuloy pa rin ang mga problemang dulot ng climate change, baradong mga kanal, basura, at quarrying.
Noong 2010, personal na humiling ang lokal na pamahalaan kay dating Pangulong Noynoy Aquino at Department of Environment and Natural Resources (DENR) para sa mining ban. Noong 2020, ipinasa ang isang total mining ban ordinance ngunit ibinasura ito ng korte.
Ngayong 2024, muli silang nagsumite ng apela sa DENR kasama ang mga mayor ng Rizal, sa kabila ng pahayag ng ahensya na napakaliit ng kontribusyon ng pagmimina sa pagbaha.
“Hanggang kailan tayo maghihintay? Ilang bagyo pa ang kailangan?” tanong ng pamahalaan habang nanawagan ng pagkakaisa laban sa pagmimina. (Jerwin Quitaneg – Correspondent)