Dagdag benepisyo, pagsasanay ng mga guro isusulong ng Trabaho Partylist
Sa pagkilala ng Trabaho Partylist sa walang katumbas na dedikasyon ng mga guro para sa kinabukasan ng kabataan ngayong World Teachers’ Day, isusulong ng grupo ang kanilang kapakanan sa pamamagitan ng karagdagang benepisyo at pagsasanay.
Ayon sa Trabaho Partylist, isang karangalan ang makasama ang mga guro sa mahalagang pagdiriwang na ito, kaya’t taus-puso ang pasasalamat nito sa mga sakripisyo at malasakit na ibinubuhos ng mga guro upang hubugin ang mga susunod na henerasyon ng Pilipino sa pamamagitan ng makabuluhang edukasyon.
Kinilala ni Atty. Mitchell-David Espiritu, tagapagsalita ng Trabaho Partylist, ang patuloy na paghahatid ng dekalidad na edukasyon upang maging handa ang kabataan sa anumang hamon ng mundo, maparito man sa ating bansa o saan man sa daigdig.
Giit ng grupo, sa pagpapalakas ng panibagong curriculum, partikular sa Senior High School (SHS), dapat simulan ang inisyatibo sa paghandog ng insentibo tulad ng sahod na sapat sa tunay na pangangailangan.
Dahil susi ang mga guro sa pagpapalakas ng susunod na henerasyon ng mga manggagawa, dapat aniya lalong itaas ang “morale” at “motivation” sa pamamagitan ng mga training at workshops na maghahandog ng career growth sa mga guro.
Mahalaga rin ang pagkalinga ng mga guro subalit nagsisilbing ikalawang tahanan ng kabataan ang mga paaralan bago sila sumabak sa pagtatrabaho, bagay na tinututukan ng Trabaho Partylist tulad ng pagsulong ng mga job-ready graduate ng SHS at Kolehiyo.
Binigyang-diin din ni Atty. Espiritu ang pagtitiyak na akma ang mga kakayahan ng mga SHS graduate sa mga pangangailangan ng mga industriya. Sinang-ayunan din niya ang kautusan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kay Education Secretary Sonny Angara na palakasin ang “employability” ng mga SHS graduates.
‘Di lang aniya book-smart kundi street-smart ang maihuhubog na mag-aaral ng mga guro kung sila ay kakalingain ng pamahalaan, kaya itinutulak din ng Trabaho Partylist ang pagpapalakas ng technical at soft skills sa sektor ng edukasyon. (DDC)