2 vintage bombs nadiskubre sa construction site sa Taguig
Nadiskubre ng mga construction worker ang dalawang unexplosed ordnance (UXO) sa isang construction site ng itinatayong bahay sa Tanyag St. Barangay Ligid-Tipas, Taguig City.
Ayon sa report agad ipinabatid sa civilian volunteers at Sub-station 5 ng Taguig City Police ang natuklasan na dalawang kalawanging pabilog na bakal na hitsurang bomba.
Mabilis namang rumesponde ang mga operatiba ng Security EOD and Canine Unit (SECU).
Dito natukoy na may markado ng “Mark III 50 lbs GP” ang mga vintage bomb na agad dinala sa SECU office para sa safekeeping at tamang disposisyon.
Batay sa otoridad may panganib na sumabog ang mga bomba lalo na ang isa na halos kinain na ng kalawang. (Bhelle Gamboa)