Suspects sa viral shooting at banggaan ng sasakyan sa Pasay City kinasuhan na

Suspects sa viral shooting at banggaan ng sasakyan sa Pasay City kinasuhan na

Kinumpirma ni Southern Police District (SPD) District Director BGen Leon Victor Rosete na kinasuhan na ng Pasay at Parañaque City Police ang lahat ng suspek na sangkot sa viral shooting at vehicle collision incident sa Pasay City.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, lumilitaw na nagsimula ang insidente nang banggain ng Honda Odyssey ang BMW.Lumabas ang lalaki sa BMW at biglang bumunot ng baril bago pinutukan ng ilang beses ang Honda dahilan upang gumanti ng putok ang sakay nito.

Sa pagresponde ng mga tauhan ng Pasay City Police Sub Station 1 kasama ang SWAT kung saan naaresto ang dalawang Chinese nationals at isang Pilipino sa pinangyarihan ng insidente habang nakagawang makatakas ang iba pang suspek.

Samantala nadakip naman sa dragnet operation na ikinasa ng Parañaque City Police ang isa pang Chinese national na sangkot sa insidente. Sa malalimang imbestigasyon ay nabunyag na ang insidente ay nag-ugat sa dating alitan sa pagitan ng mga sakay ng parehong sasakyan.

Nadiskubre na ang BMW ay naiulat na tinangay noong Setyembre 9 ng isang Chinese national na nagpakilalang buyer.Ang plaka at kulay ng sasakyan ay pinalitan subalit nakumpirma sa beripikasyon ng Makati City Police Anti-Carnapping Unit (ANCAR) na ito ay iisa lamang na sasakyan.

Nabatid na si alyas Xiaolei, Chinese national, 40-anyos, ay sinampahan ng Alarms and Scandal at Reckless Imprudence Resulting in Physical Injury and Damage to Property habang kinasuhan si alyas Redentor, 39-anyos na Pinoy, ng paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) at Article 254 of the Revised Penal Code (Willful, Indiscriminate Discharge of Firearm), na kapwa sakay ng Honda Odyssey.

Habang si alyas Wang, 31-anyos na Chinese national, ay isinailalim sa inquest proceedings para sa kasong paglabag sa RA 10591, RA 11926 (Willful, Indiscriminate Discharge of Firearm), BP 6 (Illegal Possession of Bladed Weapon), at RA 4136 (Land Transportation Code); at alyas Lin, 34-anyos na Chinese national, na sinampahan ng kasong paglabag sa RA 10591, Alarms and Scandal, at Use of Fictitious Name, na kapwa sakay naman ng BMW.

Sa gitna ng custodial debriefing ng Parañaque City Police,lumitaw na si alyas Lin ay gumagamit ng maraming pangalan kasama na rito ang alyas Hu.Siya ay naaresto rin noong July 24, 2022 dahil sa reklamong kidnapping at paglabag sa RA 10591, at pinagsususpetsahang gumagamit din ng alyas Guan.

Pinuri ni BGen Rosete ang mabilis na pag-aksyon ng Pasay at Parañaque City Police gayundin sa agarang mga resulta ng imbestigasyon. (Bhelle Gamboa)

 

 

 

 

 

 

 

newsflashph

newsflashph

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *