Mekaniko na nanapak ng MMDA personnel kalaboso sa ilegal na droga
Mahaharap sa kasong indirect assault at paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang isang mekaniko matapos umanong suntukin ang isang tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at kalaunan ay minalas pang mahulihan ang suspek ng hinihinalang shabu sa Pasay City.
Hindi na nagawang pumalag pa sa mga tauhan ng Pasay City Police Substation 2 nang dakpin ang suspek na si alyas Jong,49-anyos, sa Barangay 26 sa lungsod.
Nagsasagawa ng clearing operations sa panulukan ng Advincula at FB Harrison Streets ang mga tauhan ng MMDA kasama ang biktimang si alyas Emerson, 62-anyos, isang MMDA Traffic Aide III.
Sinasabing nainis ang suspek sa pagkakatow ng sasakyan ng kanyang kliyente kaya gumamit ang suspek ng cellphone at vinideohan ng malapitan sa mukha ang biktima.
Tinabig umano ng biktima ang kamay ng suspek kaya nahulog at nabasag ang cellphone nito, kaya sinuntok niya sa mukha at bibig si Emerson na nagresulta ng kanyang pagbagsak sa bangketa at masaktan.
Kaagad namang humingi ng tulong ang kasamahan ng biktima na sina Sonny at Simeon sa mga tauhan ng Substation 2 na mabilis na rumesponde at dinakip ang suspek.
Subalit minalas pang makumpiska mula sa suspek ng umano’y 0.20 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng ₱1,360.
Ang naarestong suspek at narekober na ebidensiya ay dinala sa Station Drug Enforcement Unit ng Pasay CPS para sa dokumentasyon at pagsasampa ng kaukulang kaso. (Bhelle Gamboa)