Dagdag pondo upang puksain ang panggigipit sa mga manggagawa suportado ng Trabaho Partylist
Sinusuportahan ng Trabaho Partylist ang panawagan ng mga lider ng business sector at workers sector na protektahan ang karapatan ng mga manggagawa sa pamamagitan ng pagdagdag ng pondo ng Commission on Human Rights o CHR.
Ito ang pahayag ni Atty. Filemon Ray L. Javier, tagapagsalita ng Trabaho Partylist, matapos maglabas ng panawagan ang anim na grupo ng negosyante na pinangungunahan ng Philippine Chamber of Commerce and Industry o PCCI na dagdagan ng pondo ang CHR upang matutukan ang mga paglabag sa karapatang pantao sa labor sector.
Ayon sa PCCI, dapat dagdagan ang pondo upang suportahan ang witness protection program sa mga kasong paglabag sa karaptang pantao pati na rin ang pagpapabilis ng paglabas ng reparasyon sa mga biktima.
Giit ni Atty. Javier, bukod sa pagpapalakas ng Department of Labor and Employment at National Labor Relations Commission, dapat ding paigtingin ang pagtutok ng CHR sa mga naturang paglabag.
Ayon sa Trabaho Partylist, maaaring maglabas ng ulat ang CHR sa mga naturang paglabag, kasama rito ang mga rekomendasyon nila bilang eksperto sa human rights, kung ano dapat ang mga susunod na hakbang.
Hinihikayat din ng grupo na magkaroon ng dayalogo ang CHR at DOLE kasama ang mga lider at miyembro ng business sector at workers sector upang magkaisang tugunan ang mga isyu ng mga manggagawa.
Mahalaga aniya ang pagtutulungan ng lahat ng ahensiya at sektor upang wakasan ang matagal nang problema sa panggigipit sa mga manggagawa, bagay na isusulong ng Trabaho Partylist sa Kongreso.