4 suspek timbog sa P380K shabu sa Makati City
Bumagsak sa kamay ng mga operatiba ng Makati City Police Station ang apat na suspek kabilang ang High-Value individual (HVI) at nasamsam ang tinatayang ₱380,800 na halaga ng umano’y shabu sa kasagsagan ng anti-illegal drug buy-bust operation sa General Lacuña Street, Barangay Bangkal sa lungsod.
Kinilala ni Southern Police District (SPD) District Director, BGen Leon Victor Rosete ang mga suspek na sina alyas Andong, HVI, 43-anyos, construction worker, na naaresto na rin sa kasong paglabag sa RA 9165 at RA 10591; alyas Jovy, 27-anyos; alyas Cris, 43-anyos; alyas Mart, 32-anyos, na nadakip noon sa kasong RA 9165 at PD 1602; at alyas Omar, 44-anyos, carpenter, na nahuli rin noon sa kasong RA 9165 at PD 1602.
Base sa report, nakabili umano sa mga suspek ang police poseur buyer ng umano’y droga sa halagang ₱80,000.
Narekober sa gitna ng operasyon ang 56 gramo ng hinihinalang shabu, dalawang cellular phones, drug paraphernalia, weighing scale, buy-bust money, ₱400.00 cash at pouch.
Kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang isasampa ng otoridad laban sa mga naarestong suspek. (Bhelle Gamboa)