Information drive kontra leptospirosis aprubado ng MMC
Aprubado ng Metro Manila Council (MMC) ang isang resolusyon na panawagan sa mga local government units (LGUs) sa Metro Manila upang magsagawa ng information and education drive/campaign para iabgat ang kamalayan ng mamamayan patungkol sa leptospirosis kung paano nakukuha ang sakit na ito, mga sintomas at panganib sa buhay at kalusugan na dulot nito kapag nalantad o na-expose sa mga tubig-baha.
Sa ginanap na press briefing sa Metropolitan Manila Development Office (MMDA) head office sa Pasig City kahapon, sinabi ni MMDA Acting Chairman Atty. Don Artes sa pamamagitan ng MMDA Regulation No. 24-003 (series of 2024), ang mga bata at matatanda ay pinagbabawalang lumangoy, maglaro, magtampisaw, magliwaliw at iba pang aktibidad sa tubig-baha.
“Each LGU may pass their own ordinances and penalties for violators of this regulation,” ani Artes.
Ang paglikha ng mga ordinansa at multa ay ipina ipauubaya naman sa LGUs dahil sila ang mas epektibong humaharap sa sitwasyon sa kani-kanilang komunidad lalo na’t nalalaman nila ang mga kakaibang mga nangyayari rito.
Karaniwang tumataas ang mga kaso ng leptospirosis sa tag-ulan lalo na kapag mayroong bagyo at pagbaha sa maraming bahagi ng Metro Manila.
Inihayag naman ni MMC President at San Juan City Mayor Francis Zamora na ang kanilang lungsod ay may naipasa ng ordinnsa na nagbabawal at pagmumultahin ang mga indibiduwal na nagsasagawa ng paglangoy at paglalaro sa mga tubig-baha.
Pinayuhan ni DOH Undersecretary Dr. Gloria Balboa ang LGUs na siguruhin ang wastong pagtatapon ng basura, pagpapanatili ng kalinisan at pagkontrol sa daga sa kanilang lugar upang maging ligtas laban sa leptospirosis.
Tiniyak din ni Artes sa DOH na makakaasa ito ng buong suporta mula sa Metro Manila mayors sa pag-aangat ng kamalayan patungkol sa mga panganib, banta at mga hakbang sa pag-iwas ng leptospirosis. (Bhelle Gamboa)