Bagyong “Bebinca” napanatili ang lakas, papasok sa bansa bukas (Sept. 13)
Napanatili ng Severe Tropical Storm Bebinca ang lakas nito habang patuloy na lumalapit sa bansa.
Ayon sa inilabas na tropical cyclone advisory ng PAGASA, ang bagyo ay huling namataan sa layong 1,930 kilometers East ng Northern Luzon.
Taglay ng bagyo ang lakas ng hangin na aabot sa 95 kilometers bawat oras at pagbugsong aabot sa 115 kilometers bawat oras.
Kumikilos ang bagyo sa bilis na 30 kilometers bawat oras sa direksyong pa-hilaga.
Ayon sa PAGASA, sa susunod na 24-oras, ang Habagat na pinalalakas ng bagyo ay magdudulot ng malakas na alon sa eastern seaboard ng Mindanao, western seaboard ng Palawan kabilang ang Kalayaan Islands, western seaboard ng Visayas.
Inaasahang papasok sa loob ng bansa ang “Bebinca” bukas (Sept. 13) ng tanghali o gabi. (DDC)