Buntot ng bagyong nasa labas ng PAR magpapaulan sa ilang bahagi ng bansa
Apektado ng buntot ng bagyong nasa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang eastern section ng bansa.
Ayon sa PAGASA, ang trough ng Tropical Storm na may international name na Bebinca at ang Habagat ay magpapaulan sa ilang bahagi ng bansa.
Huling namataan ang bagyo sa layong 2,070 kilometers east ng Eastern Visayas.
Taglay nito ang lakas ng hangin na aabot sa 75 kilmeters bawat oras at pagbugso na aabot sa 90 kilometers bawat oras.
Kumikilos ang bagyo sa direksyong northwest sa bilis na 25 kilometers bawat oras.
Dahil sa buntot ng bagyo, ang Eastern Visayas, Caraga, Sorsogon, at Masbate ay makararanas ng maulap na papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan ngayong araw (Sept. 11).
Makararanas din ng isolated na pag-ulan sa Cagayan Valley, Aurora, Quezon, at sa nalalabing bahagi ng Bicol Region.
Habang sa Metro Manila at sa nalalabing bahagi ng bansa ay makararanas ng isolated na pag-ulan dahil sa Habagat. (DDC)