Cashless policy sa NBP at CIW tutugon sa problema sa korapsyon at iba pang ilegal na aktibidad

Cashless policy sa NBP at CIW tutugon sa problema sa korapsyon at iba pang ilegal na aktibidad

Kumpiyansa si Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. na ang ipinapatupad na cashless policy sa minimum compound ng New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City at ng Correctional Institution for Women (CIW) sa Mandaluyong City ang reresolba at wawakasan ang malalang korapsyon, ipinagbabawal na transaksyon sa droga at iba pang uri ng ilegal na aktibidad na gumagamit ng cash money o pera sa loob ng mga kulungan.

Ang pahayag na ito ni Catapang ay tugon sa idinulog na alalahanin nina Gabriela Party-List Rep. Arlene Brosas at ACT Party-list Rep. France Castro sa kasagsagan ng budget hearing nitong nakaraang linggo kung saan may mga natanggap na reklamo na umiiral umano ang pagtatanggal ng 2% sa lahat ng papasok na cash transactions para sa PDLs kabilang rito ang sinasabing service deductions sa pamamagitan ng GCASH, LBC, dalaw o paabot, gayundin sa outgoing cash transactions.

Iginiit ng Bucor chief na simula nang maupo siya sa kanyang puwesto ay naging transparent siya at palaging bukas sa mga suhestiyon at bagong mga ideya.

Tinugunan din ni Catapang ang reklamong umabot sa opisina ni Brosas office na karamihan sa PDLs ay hindi sang-ayon sa cashless transactions at ang kanilang pagtutol ay binabalewala umano ng ahensiya.

Ipinaliwanag ni Catapang na ang implementasyon ng cashless at automated system ay hindi naka-ankla sa kahandaan ng BuCor at sa populasyon ng inmates ngunit sa halip ang matibay na kapasyahan sa kasalukuyang liderato na magpatupad at mamahala ng mga pagbabagong policy upang wakasan ang lahat ng korapsyon na gumagamit ng pera.

Samantala pinuri naman ni Senior minority leader Joseph Stephen Paduano si Catapang para sa pilot-testing ng e- payments na aniya’y tamang direksiyon upang mabawasan kundi man mawakasan ng kabuuan ang korapsyon sa loob ng BuCor.

“Ang nakarating naman sa akin, though kinakaltasan at may mga problema pa, e-payments is better daw. Pag pasok daw ng perang bitbit ng pamilya ng PDL hindi na talaga mamonitor ng Bucor that’s number one problem and second it is prone to corruption kasi pag pasok pa lang ng pera don sa jail guard prone to corruption na pwede ng hingin, pag pasok don sa grupo na, nandon na yung mayores at tsaka yung mga gangs so mas malaki pa daw ang nawawala sa kanila kumpara sa talagang dapat nila tatanggapin,” sabi ni Paduano.

“Though may complain talaga, but the whole picture talaga is much better daw kasi kung yung pamilya nila halimbawa ay nag padala ng 2000 pesos ang darating sa kanila minsan 1000 pesos na lang kasi ang daming dinadaanan pag bitbit yung pera pero kung e-payment cashless diretso sa kanila,” dagdag pa nito.

“In my own opinion, that is OK, but if there is still corruption in that particular system, then we have to fix the system but as a whole, I think we are seeing a much better system,“ pahayag pa ni Paduano at idinugtong na marami talagang problema sa BuCor noon pa at umaasa siyang ngayon sa ilalim ng liderato nina Catapang, Remulla at PBBM ay mareresolba na ang mga suliranin.

Samantala nangako naman sina Remulla at Catapang na kanilang iimbestigahan ang mga reklamong idinulog ni Brosas sa idinaos na budget hearing at ibibigay sa kanya ng komite ang resulta ng isasagawang pagsisiyasat. (Bhelle Gamboa)

 

 

 

 

 

 

 

newsflashph

newsflashph

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *