Mahahalagang programa, tinalakay ng Las Piñas Sanggunian
Masusing tinalakay ng Las Piñas Sanggunian sa pangunguna ni Vice Mayor April Aguilar ang mga programang may kinalaman sa seguridad, alagang pangkalusugan, at kapakanan ng mga residente kasama ang mga kabataaan, sa ginanap na ika-98 na regular na sesyon sa Las Piñas City Session Hall.
Pinag-aralan din ng konseho ang kahilingan ng tanggapan ng punong alkalde kaugnay sa panukalang supplemental budget o pandagdag na pondo na tutugon sa isinasagawang mga proyekto na natitira pa ngayong taon. Isa sa mga pangunahing mungkahi ay ang instalasyon ng 170 outdoor surveillance cameras sa buong lungsod upang lalong pagandahin ang seguridad at kaligtasan ng publiko.
Bukod dito, pinag-usapan din ng mga konsehal sa pamumuno ni VM Aguilar ang Memorandum of Agreement sa pagitan ng Pamahalaang Lungsod at ng Philippine General Hospital (PGH) para sa tuluy-tuloy na hospitalization program ng Las Piñas na sumasakop magmula July 2024 hanggang July 2025.
Para naman sa youth development ang panukalang ordinansa mula kay Sangguniang Kabataan President Rey Angelo Reyes,na tumutuon sa pagbibigay ng mahalagang pag-alalay sa kabataang Las Piñeros sa lungsod.
Ikinukonsidera rin ng konseho ang pag-amyenda sa Investment Incentive Code ng Las Piñas upang hikayatin ang mas marami pang mamumuhunan sa negosyo.
Nabatid na kasama sa naturang sesyon ang pag-apruba ng ilang kahilingan sa pagpapagaan sa penalties at interes para sa negosyo at pagsasalin ng mga buwis na inirekomenda ng mga komite ng konseho. (Bhelle Gamboa)