WALANG PASOK: Klase sa public schools at pasok sa gobyerno sa Metro Manila sinuspinde ng Malakanyang
Suspendido na ang klase sa mga pampublikong paaralan at pasok sa mga tanggapan ng gobyerno sa buong Metro Manila.
Ito ay makaraang aprubahan ng Malakanyang ang rekomendasyon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Batay sa rekomendasyon ng NDRRMC, ang nararanasang malakas na pag-ulan sa Metro Manila ay maaaring magdulot ng flashfloods.
Dahil dito, wala ng pasok sa lahat ng public schools sa Metro Manila.
Mayroon ding mga local government unit sa NCR ang nauna nang nag-anunsyo ng suspensyon ng klase kasama ang mga pribadong paaralan.
Epektibo alas 7:00 ng umaga ay wala na ding pasok sa mga tanggapan ng gobyerno sa buong NCR.
Ang suspensyon naman ng trabaho sa mga pribadong kumpanya ay ipinaubaya ng Malakanyang sa kani-kanilang pamunuan. (DDC)