259 OFWs at kanilang pamilya sa BARMM nakatanggap ng cash aid mula sa DMW
Nagkaloob ang Department of Migrant Workers (DMW) ng tulong pinansiyal na nagkakahalaga ng P5.18 million para sa 259 overseas Filipino workers (OFWs) at kanilang pamilya sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Pinangunahan nina DMW Undersecretary Bernard P. Olalia at Assistant Secretary Venecio V. Legaspi kasama sina South Cotabato 2nd District Representative Peter Miguel at Koronadal City Mayor Eliordo Ogena, ang pamamahagi ng cash aid sa mga OFW-beneficiaries sa ilalim ng DMW flagship reintegration programs, sa Koronadal City nitong Agosto 26.
Nasa 128 OFWs ang nakatanggap ng tig-P30,000 sa ilalim ng Agarang Kalinga at Saklolo para sa mga OFWs na Nangangailangan (AKSYON Fund) habang 128 pang OFWs ang nabigyan ng tig-Php10,000 sa ilalim naman ng Livelihood Program for OFW Reintegration (LPOR) program.
Ang tatlong iba pang OFW-beneficiaries sa ilalim ng Sa Pinas, Ikaw ang Ma’am at Sir” (SPIMS) ay tumanggap ng financial aid na P20,000 na karagdagang work-startup support sa kanilang reintegrasyon bilang propesyunal na mga guro. (Bhelle Gamboa)