Mga barko ng China hinarang ang dalawang barko ng Coast Guard na nagsasagawa ng humanitarian mission sa Escoda Shoal
Muling hinarang ng barko ng China ang humanitarian mission ng Philippine Coast Guard sa Escoda Shoal.
Sa pahayag na inilabas ng PCG, nagsagawa ng humanitarian mission ang BRP Cabra at BRP Cape Engaño araw ng Lunes (Aug. 26) upang maghatid ng suplay sa mga nakatalagang tauhan sa BRP Teresa Magbanua.
Sa kasagsagan ng misyon, idineploy ng China ang aabot sa 40 barko nito na kinabibilangan ng anim na (6) Chinese Coast Guard (CCG) vessels, at tatlong (3) People’s Liberation Army Navy (PLAN) warships para harangin ang misyon ng PCG.
Mayroon ding tatlumpu’t isang (31) Chinese Maritime Militia (CMM) Vessels na nasa vicinity waters ng Escoda Shoal.
Dahil sa insidente, hindi naisakatapuran ng dalawang barko ng Coast Guard ang paghahatid ng suplay.
Kasama sana sa dadalhin ng mga barko ng PCG ang ice cream na treat ng PCG commandant sa mga tauhan ng nakatalaga sa Escoda Shoal bilang paggunita na din ng National Heroes’ Day.
Ayon kay PCG spokesperson to the West Philippine Sea Jay Tarriela, patuloy ang kanilang commitment na isulong ang national interests at tiyakin ang kaligtasan at seguridad sa karagatang sakop ng bansa. (DDC)