Club na ayaw makipagtulungan sa contact tracing ng QC LGU sa kaso ng Mpox, ipinasara
Ipinasara ng Quezon City Government ang isang club sa lungsod na tumangging makipagtulungan sa proseso ng contact tracing para sa kaso ng isang pasyente na nagkaroon ng monkeypox.
Nagpalabas ng Cease and Desist Order at Notice of Violation ang QC LGU sa Fahrenheit Cafe and Fitness Center (F Club) sa E. Rodriguez Sr. Avenue.
Hindi kasi pumayag ang establisyimento na makapagsagawa ng imbestigasyon ang contact tracing team ng lungsod.
Ayon sa pahayag ng QC LGU, nagtungo sa F Club ang mga tauhan ng City Epidemiology and Surveillance Division (QCESD) ng City Health Department (QCHD) para magsagawa ng contact tracing measures.
Ito ay kasunod ng pahayag ng Department of Health (DOH) hinggil sa posibleng mpox transmission.
Gayunman, hindi nakipag-cooperate ang management ng F Club.
“Itinuturing nating banta sa kalusugan at kapakanan ng mga QCitizen ang ganitong pagtanggi sa isinasagawa nating contact tracing efforts. Maagap ‘yung ginagawa nating pagtugon at imbestigasyon, pero napapatagal at nade-delay dahil ayaw makipag-cooperate,” ayon kay QC Mayor Joy Belmonte.
Ang hindi pagtalima ng F Club ay paglabag sa Republic Act No. 11332, o Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Concern Act.
Kaugnay nito y nanawagan si Belmonte sa mga residente at business owners sa lungsod na makiisa at makipag-cooperate sa mga health event investigation ng lungsod. (DDC)