Rider na kumarate sa traffic enforcer ng Muntinlupa City, kulong
Sa kulungan ang bagsak ng isang motorcycle rider matapos balewalain ang umiiral na Pedestrian Priority Policy at kinarate pa nito ang traffic enforcer ng Muntinlipa Traffic and Management Bureau (MTMB).
Ayon kay Mayor Ruffy Biazon, nakakulong sa PNP Custodial Facility si alyas Boy Karate at nakatakdang sumailalim sa inquest proceedings para sa kasong Direct Assault at Resistance and Disobedience (Article 148 at Article 151 ng Revised Penal Code).
Inihayag ng alkalde na binalewala ng rider ang signal ng MTMB traffic enforcer na pinapahinto siya sa may pedestrian crosswalk dahil may mga tatawid na bata na pauwi mula sa eskwela kung saan
pinapairal sa Muntinlupa ang Pedestrian Priority Policy.
Tinakbuhan ng rider ang enforcer subalit naharang siya ng iba pang enforcer.
Imbes na ticket lang sana ang makukuha ng rider ay nagawa pa nitong manlaban at ginamitan ng karate kick ang enforcer na tinuturing na person in authority.
“Kung mayroong nakaka init ng ulo ko, ito ay ang mga taong binabastos, nilalabanan o sinasaktan ang mga person in authority, lalo na kung ginagawa lang naman nila ang kanilang tungkulin. Makakatiyak ang mga taong ganyan na titindigan ko ang ating mga tauhan na nagpapatupad ng batas at disiplina,'” pahayag ni Mayor Biazon.
Pinuntahan ng alkalde sa selda si alyas Boy Karate para ibigay ang kanyang saloobin sa ginawa niya kung saan maamong humihingi ng tawad ang rider sa nagawa nito. (Bhelle Gamboa)