Pagbabago sa oras ng number coding, hindi totoo ayon sa MMDA
Pinabulaanan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga impormasyon na ipinakakalat sa social media kaugnay sa umano ay bagong schedule ng pagpapatupad ng Unified Vehicular Volume Reduction Program (UVVRP) o number coding scheme.
Sa mga kumakalat sa social media nakataas na gagawin ng 7 am hanggang 7 pm ang pag-iral ng number coding at wala ng ipatutupad na window hours.
Paglilinaw ng MMDA, walang pagbabago sa pinaiiral na expanded number coding scheme na mula 7 am – 10 am at 5 pm – 8 pm mula Lunes hanggang Biyernes, maliban tuwing holidays.
Nananatili rin ang window hours kung saan maaari bumiyahe ang mga sasakyan na sakop ng coding sa window hours sa pagitan ng 10:01 am at 4:59 pm at mula 8:01 pm hanggang 6:59 am sa susunod na araw.
Paalala ng MMDA, iwasan ang pagpapakalat ng mga hindi beripikadong mensahe na nagdudulot ng kalituhan sa publiko.
Huwag din basta-basta i-share ang mga natatanggap sa social media. (DDC)