Pang. Marcos tiniyak na may mananagot sa paglabas ng bansa ni Alice Guo
Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na may mga ulong gugulong sa pagtakas ni dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo palabas ng bansa.
Sa isang pahayag, sinabi ng pangulo na magkakaroon ng full scale investigation sa nangyari.
Sinuman aniyang mapatutunayang sangkot sa pagpapalabas ng bansa kay Guo ay mahaharap sa pinakamataas na antas ng parusa ng batas.
Ayon sa pangulo, ang pagpapalabas ng bansa kay Guo ay malinaw na patunay ng korapsyon na nagmamaliit sa justice system ng bansa at nag aalis sa tiwala ng taongbayan.
Wala aniyang puwang sa gobyernong ito ang mga taong mas inuna pa ang personal na interes kesa ang pagsisilbi sa taongbayan nang may dignidad, integridad at hustisya.
Base sa intelligence information ng Bureau of Immigration (BI) umalis ng bansa si Guo noong July 21 subalit wala umano sa kanilang database ang pag-alis nito na nangangahulugang hindi ito dumaan sa immigration authorities.
Nagpunta umano si Guo sa Malaysia, Singapore at pagkatapos ay bumiyahe patungong lndonesia. (CY)