Health protocols kontra mpox dapat ilatag sa mga manggagawa: Trabaho Partylist
Nananawagan ang Trabaho Partylist para sa agarang pagbaba ng mga health at safety protocols kontra mpox upang maprotektahan ang kalusugan ng mga Pilipinong manggagawa.
Ito ang pahayag ni Atty. Filemon Ray L. Javier, tagapagsalita ng Trabaho Partylist, matapos kumpirmahin ng Department of Health (DOH) na nakapagtala ito ng unang kaso ng mpox ngayong 2024.
Nakakabahala aniya ang ulat nito kaakibat ng deklarasyon ng World Health Organization ng isang “global health emergency” dahil sa pagkalat ng mpox sa iba’t ibang bansa.
Para sa Trabaho Partylist, hindi na dapat maulit ang mga pagkakamali noong COVID-19 pandemic kaya’t dapat magtulungan na ang pamahalaan, taumbayan, at mga negosyante.
Ayon kay Atty. Javier, dapat nang mag-usap ang DOH at Department of Labor and Employment (DOLE) para ilatag sa mga manggagawa ang mga dapat gawin at iwasan upang kontrahin ang pagkalat ng mpox.
Giit ng tagapagsalita ng Trabaho Partylist, dapat ding mag-activate ng mga internal protocols ang mga employer bilang mabilis na pagresponde kung sakaling magkaroon ng kaso ng mpox sa kanilang mga opisina.
Nananawagan din si Atty. Javier sa mga manggagawa na agarang kumonsulta sa medical professional kung makaramdam sila ng sintomas ng mpox. Manatiling nakatutok din aniya ang mga manggagawa sa mga anunsyo ng DOH. (DDC)