DOH nakapagtala ng bagong kaso ng monkeypox
Nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng bagong kaso ng monkeypox sa bansa.
Ito na ang ikasampung kaso ng monkeypox na naitatala sa bansa.
Huling nakapagtala ng kaso ng nasabing sakit noong December 2023.
Ayon sa DOH, ang mga pasyente ay pawang naisailalim sa isolation at naka-recover.
Ang ika-sampung confirmed mpox case ay naiulat sa DOH noong Linggo, August 18, 2024.
Ang pasyente ay 33-anyos na lalaki at walang travel history sa labas ng Pilipinas.
Nagsimula itong makaranas ng sintomas gaya ng lagnat, rashes sa mukha, likod, nape, trunk, groin, at kamay.
Nang magpatingin sa ospital, kinuhanan siya ng specimen na sinuri sa pamamagitan ng real-time polymerase chain reaction (PCR) test.
At base sa resulta ng PCR test, positibo ang pasyente sa Monkeypox viral DNA.
Ayon sa DOH, ang rashes na dulot ng monkeypox ay kadalasang tumatagal ng 2 hanggang 4 na linggo.
Maaari itong makahawa sa pamamagitan ng close, intimate contact sa taong infected nito.
Ayon sa DOH, kung ang pasyente ay wala namang ibang karamdaman, maaaring magpagaling lamang sa bahay. (DDC)