60 baboy na lulan ng isang truck kinumpiska sa QC
Hinarang ng mga inspektor ng Bureau of Animal Industry (BAI) ang isang truck na may kargang 60 mga baboy sa checkpoint sa Tandang Sora, Quezon City.
Bahagi ito ng ipinatutupad na border control measure ng Department of Agriculture (DA), sa pakikipagtulungan sa QC Government Office at Philippine National Police (PNP) upang mapigilan ang paglaganap ng African Swine Fever (ASF).
Sa dokumentong nakuha mula sa nagbiyahe ng mga baboy nakasaad na ang mga ito ay galing Sariaya, Quezon at kakatayin sa Caloocan City.
Gayunman, nakita ng BAI na peke ang mga dalang dokumento.
Kabilang sa mga dokumento na ipinakita sa checkpoint ay ang Certificate of Free Status-African Swine Fever clearance, pekeng Local Government Unit Local Shipping Permits, at pekeng veterinary health certificates.
Wala namang naipakitang local shipping permit na galing BAI.
Sasailalim sa testing ang mga baboy para matukoy kung infected ng ASF ang mga ito.
Naglagay ng checkpoint ang BAI sa iba’t ibang lugar sa Quezon City at Valenzuela bilang pag-iingat kasunod ng outbreak ng ASF sa Batangas. (DDC)