Desisyon ng Korte Suprema sa pagdedeklara ng nararapat na representative ng Magsasaka Partylist pinuri ni Rep. Argel Cabatbat
Pinuri ni Atty. Argel Cabatbat ang desisyon ng Korte Suprema sa pagdedeklara nito kung sino ang nararapat na maging representative ng Magsasaka Partylist at sinabing isa itong tagumpay para sa mga Pilipinong magsasaka.
Ayon kay Cabatbat, ang pasya ng Korte Suprema ay maituturing na panalo ng mga magsasaka.
“Ang may-ari ng Magsasaka Partylist ay ang mga Magsasakang Pilipino, kaya ang pagkapanalo sa Supreme Court ay pagkapanalo ng mga lahat ng ating Magsasaka,” sinabi ni Cabatbat sa isang pahayag.
Sa desisyon ng Korte, sinabi nito na hindi maaaring ituring na kinatawan ng Magsasaka Partylist ang respondent na si Soliman Villamin Jr., dahil tinanggal na siya bilang National Chairperson ng “Magsasaka”.
Bukod dito, sinabi ng Mataas na Hukuman na dapat ay ibinasura ng Commission on Elections (Comelec) ang representasyon ni Villamin sa kanyang sarili bilang national chairperson ng MIP dahil matagal na siyang tinanggal bilang national chairperson ng MIP.
“This Court finds that the COMELEC gravely abused its discretion when it focused on purely procedural matters and disregarded the suhstantive issues raised by MAGSASAKA the proceedings below, refused to acknowledge established party practice, and substituted its mandate over that of MAGSASAKA, thereby unlawfully instituting Villamin as its National Chairperson,” ayon sa desisyon ng Korte Suprema.
Dagdag pa ng hukuman, dahil hindi na National Chairperson ng Magsasaka si Villamin, ang kanyang nominado na si Roberto Gerard L. Nazal Jr. ay hindi dapat naiproklama bilang Partylist Representative ng Magsasaka sa Kamara.
Habang nakabinbin ang petisyon ng kampo ni Cabatbat, patuloy na nagbibigay ng tulong si Cabatbat, sa kanyang personal na kapasidad, para sa mga Pilipinong magsasaka at tiniyak ang kanilang kapakanan at kabuhayan.
Tinulungan niya rin ang mga magsasaka na Ilokano sa Amai na makarating sa MalacaƱang upang tugunan ang kanilang mga problema nang sila ay pinatalsik sa kanilang mga lugar.
Tumulong din si Cabatbat sa pag-uulat sa Commission on Human Rights (CHR) sa pagpatay sa mga magsasaka sa Siaton, Negros Oriental at ang pag-bulldoze sa kanilang mga tirahan.
Sa tulong ni Cabatbat, matagumpay na naibigay ang lupa ng magsasaka sa Coron, Palawan, gayundin ang lagoon ng Tagbanua Indigenous People, na tinangka ng isang dayuhan na angkinin ito. (DDC)