P56M na halaga ng ilegal na droga nakumpiska sa magkasunod na operasyon sa NAIA
Aabot sa mahigit P56 million na halaga ng ilegal na droga ang naumpiska ng mga tauhan ng Bureau of Customs Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA) sa pakikipagtulungan sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG) sa magkasunod na operasyon sa NAIA Terminal 3.
Unang naaresto ang isang South African na pasahero na dumating sa bansa galing Abu Dhabi.
Ito ay matapos matuklasan sa kaniyang bagahe ang 5.256 kilograms ng hinihinalang shabu na aabot sa P35,802,000 ang halaga.
Samantala, naaresto din ang Thai passenger na dumating sa NAIA galing Thailand matapos mahulihan ng 14.825 kilograms ng Kush o high-grade marijuana na tinatayang P20,755,000 ang halaga.
Isinailalim sa pagsusuri ang bagahe ng dalawa kabilang ang x-ray scanning, K9 inspection, at physical examinations kaya nadiskubre ang mga ilegal na droga.
Ang mga naarestong pasahero at ang mga nakumpiskang kontrabando ay ay nai-turn over na sa PDEA. (DDC)