911 hotline dapat ilunsad sa mga lungsod sa buong bansa bilang paghahanda vs banta ng La Niña
Para sa ganap na pagpapatupad ng 911 emergency system sa buong bansa,
Hinikayat ng Department of the Interior and Local Government (DILG)ang bawat lungsod sa bansa na magtayo ng sarili nitong local 911 call center lalo na ngayong mayroong banta ng La Niña sa mga susunod na buwan.
Ito ang pahayag ni DILG Secretary Benhur Abalos sa Emergency 911 (E911) National Summit na idinaos kamakailan.
Sa naturang aktibidad, inilunsad ng ahensya ang emergency response system gamit ang makabagong teknolohiya mula sa US 911 system upang mapabilis ang pagtugon sa mga emergency.
Nilagdaan din ng DILG ang isang Memorandum of Understanding kabilang ang NGA 911 at PLDT, para sa donasyon ng advanced na teknolohiya tulad ng precise caller location services, advanced mapping and incident management systems, data analytics, video streaming, omni-channel messaging, at integration ng body at vehicle cameras sa pagresponde sa emergencies.
Binigyang-diin ni Abalos na para maging epektibo ang 911 system, dapat tumulong ang bawat lungsod sa pag-set up ng sarili nitong local emergency call center, katulad ng decentralized system sa US. (DDC)