Mga atletang sumabak sa Olympics binigyang-parangal sa Malakanyang
Binigyan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ng P2 milyon bawat isa ang 22 Filipino athletes na sumabak sa 2024 Paris Olympics.
Sa Heroes’ Welcome sa Palasyo ng Malakanyang, inanunsyo ni Pangulong Marcos na galing ang P1 milyon sa PAGCOR habang galing naman sa Office of the President ang P1 milyon.
Binigyan naman ni Pangulong Marcos ng tig-P500,000 ang bawat coaching staff ng mga atleta.
Habang P20 million naman ang tinanggap ni Carlos Yulo na nakapag-uwi ng dalawang gintong medalya.
“So that’s why, tamang-tama nandito si Chairman— siya maraming pera e. So, lahat naman ng atleta natin, bigyan na natin basta nag-olympian, bigyan na natin ng tig-iisang milyon,” pahayag ni Pangulong Marcos.
“Ima-match pa ng Office of the President yung ibibigay mo para at least may P2 million tayo. Bukod pa roon, dahil sa ating pangingilala sa mga lahat ng tumulong–the coaching staff, bibigyan din natin ng kalahating milyon,” pahayag ni Pangulong Marcos.
Batid ni Pangulong Marcos na maliit na halaga lamang ang kanyang ibinigay na premyo kaya humingi ito ng paumanhin sa mga atleta.
“Hihingi ako ng paumanhin ninyo dahil maliit lang at alam ko na yung isang milyong piso halimbawa ay ikumpara mo sa inyong sakripisyo, ikumpara ninyo sa inyong pinagdaanan, ikumpara ninyo napakaliit lang. Pero ngayon lang ito yung gagawin natin,” pahayag ni Pangulong Marcos.
Ayon kay Pangulong Marcos, kukunsultahin niya ang mga atleta, coaches, at trainors kung ano ang kulang at kung saan sila nahirapan habang sinasanay ang mga atleta.
Target kasi ni Pangulong Marcos na makahakot pa ng mas maraming medalya ang Pilipinas sa susunod na Olympic.
Mainit na tinanggap nina Pangulong Marcos, First Lady Liza Marcos, Simon at Vincent ang mga Filipino Olympians.
Kasama sa mga dumating sa Palasyo ang two-time gold medalist na si Carlos Yulo, bronze medalists na sina Nesthy Petecio at Aira Villegas. (CY)