2 pang barangay sa Taguig City idineklarang drug-cleared
Dalawa pang barangay sa Taguig ang panibagong idineklarang drug-cleared kasunod ng deliberasyon ng 2nd Regional Oversight Committee on Barangay Drug Clearing (ROCBDC) na idinaos sa Pamantasan ng Lungsod ng Pasig Auditorium nitong Agosto 6.
Ang Brgy. Napindan at Brgy. North Daang Hari ang bagong nadagdag sa drug-cleared barangays sa lungsod kung saan umabot na ito sa kabuuang 19.
Nabatid na dumalo sa deliberasyon sina Taguig City Police Station Acting Chief of Police, Col. Christopher Olazo at Taguig Anti-Drug Abuse Office head Hilario S. Cruz.
Ibinibigay ang drug-cleared barangay status sa mga barangay na dati nang ikinunsiderang apektado ng droga dahil sa presensiya ng drug personalities, illegal drug users, drug pushers, at drug dens.Sa mga nasabing erya ay matagumpay na natugunan ang mga isyu sa ilegal na droga sa pamamagitan ng beripikadong mga hakbang at kampanya.
Sa ilalim ng liderato ni Mayor Lani Cayetano, pinaigting ng Taguig City ang laban nito kontra ilegal na droga na sinamahan ng mga komprehensibong programa na layuning linangin ng kaalaman at lumahok ang mga komunidad.
Tiniyak sa mga opisyal, tauhan, at residente sa lahat ng 38 barangays ay pakikinabangan ang mahahalagang mga inisyatiba katulad ng Preventive Education, Drug-Free Workplace, Treatment and Rehabilitation, at Barangay Drug Clearing programs. (Bhelle Gamboa)