Imported agri products magkasunod na nakumpiska ng BOC mula sa dalawang Japanese nationals
Nakumpiska ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) sa pakikipagtulungan sa Department of Agriculture (DA) ang iba’t ibang uri ng agricultural products na ipinasok sa bansa ng walang karampatang permit.
Nagsagawa ng joint inspections ang BOC at DA sa mga kargamento na pawang natuklasan na walang Sanitary and Phytosanitary Import Clearance (SPSIC) mula sa Bureau of Animal Industry (BAI), Bureau of Plant Industry (BPI), at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).
Noong Aug. 8, nakumpiska mula sa isang Japanese national ang 527.10 kilograms ng karneng baka; 26.5 kilograms ng karne ng manok; 60 piraso ng itlog; 57.1 kilograms ng iba’t ibang prutas at gulay at 57.10 kilograms ng fishery products.
Kinabukasan, isa ring kargamento na dala ng isa pang Japanese passenger ang kinumpiska na naglalaman ng 140.2 kilograms ng karne at meat products; 10 piraso ng itlog; 165 kilograms ng prutas; mga halaman at gulay at 235.5 kilograms ng fishery products.
Lahat ng produktong nakumpiska ay dinala sa BAI, BPI, at BFAR.
Ayon kay Customs Commissioner Bienvenido Y. Rubio, ang nasabing mga produkto na pawang walang karampatang permit ay maaaring magdulot ng hindi maganda sa kalusugan ng consuming public. (DDC)