DepEd at PSAC Jobs Committee, lumagda sa kasunduan para mapaigting ang kakayahang makapagtrabaho ng mga Senior High School
Upang palakasin ang kasanayang magtrabaho ng mga mag-aaral ng Senior High School, nilagdaan ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) at Private Sector Advisory Council (PSAC) Jobs Committee, sa pamamagitan ng Private Sector Jobs and Skills Corporation (PCORP) ang isang Memorandum of Agreement (MOA) para simulan ang mas maigting na work immersion program.
Sinaksihan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., ang paglagda sa kasunduan na bahagi ng pagtutulungan ng pribado at pampublikong sektor.
Kasama sa MOA ang mga mahahalagang usapin tulad ng pinaunlad na work immersion experience para sa mga mag-aaral, pagtutugma ng curriculum upang mabigyan ng mas maraming oras ang mag-aaral na maiakma ang kanilang kakayahan sa pamantayan ng kasalukuyang industriya.
Kasama din sa kasunduan ang pagbibigay ng pagsasanay sa mga guro upang mas maayos na magabayan ang mga mag-aaral sa kanilang pag-aaral at magkaroon ng job fairs at oportunidad sa buong bansa.
Kabilang sa mga unang industriya na makikipagtulungan sa pinaunlad na work immersion program sa Senior High Schools ang Semiconductors and Electronics Industries in the Philippines (SEIPI), IT Business Processing Association of the Philippines (IBPAP), Philippine Constructors Association (PCA), Confederation of Wearables Exporters of the Philippines (CONWEP), Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI), Employers Confederation of the Philippines (ECOP), iPeople sa pamamagitan ng National Teachers College (NTC), at SM Group and Philippine Center for Entrepreneurship (Go Negosyo). (DDC)