Gymnasium ng isang ospital sa QC ginamit bilang leptospirosis ward
Dahil sa pagdami ng mga pasyente na tinamaan ng leptospirosis ginamit na ang gymnasium ng National Kidney and Transplant Institute (NKTI) sa Quezon City bilang leptospirosis ward.
Mayroong 30 pasyente ang ginagamot ngayon sa gymnasium ng NKTI na pawang tinamaan ng nasabing sakit.
Maliban dito, mayroon pang 18 pasyente na mayroong leptospirosis na nasa iba pang bahagi ng ospital.
Matapos ang pagbaha na dulot ng bagyong Carina at Habagat, tumaas ang kaso ng leptospirosis sa mga naapektuhang rehiyon.
Mahalagang Paalala mula sa Kagawaran ng Kalusugan (DOH) kasunod ng tumataas na kaso ng Leptospirosis sa bansa.
Patuloy naman ang paalala ng Department of Health (DOH) sa publiko hinggil sa nasabing sakit.
Ayon sa DOH, maaaring makapaminsala ang leptospirosis sa bato, utak at atay kapag hindi agad naagapan.
Kung makararanas ng sintomas gaya ng lagnat, pagsusuka o pagtatae, pananakit ng ulo at katawan, panginginig, paninilawng balat at pamamantal, at pamumula ng mata, dapat na agad magpatingin sa doctor o pumunta sa pinakamalapit na ospital. (DDC)