DA bumuo ng technical working group para aralin ang posibilidad na magkaroon ng FMD vaccines sa Pilipinas
Bumuo ng technical working group si Agriculture Secretary Francisco “Kiko” Tiu Laurel Jr. upang mapag-aralan ang posibilidad na makagawa ng foot-and-mouth disease (FMD) vaccines dito sa Pilipinas.
Ayon kay Laurel, bagaman ang bansa ay kinikilala ng World Organization for Animal Health bilang FMD-free, malaki aniya ang magiging epekto sa ekonomiya ng Pilipinas sakaling magkaroon ng outbreak ng nasabing sakit.
Kabilang sa mga hayop na maaaring tamaan ng FMD ay ang mga cattle, swine at kambing.
Kamakailan, may naiulat na kaso ng FMD sa mga kalapit na bansa ng Pilipinas gaya ng Indonesia, Thailand at Vietnam.
Kung may bakuna sa bansa kontra FMD sinabi ni Laurel na malaking tulong ito para sa prevention and control measure.
Itinalaga ni Laurel si Assistant Secretary for Swine and Poultry Constante Palabrica, na isa ring Doctor ng Veterinary Medicine bilang chairman ng binuong technical working group. (DDC)