P3.2M unregistered food products nakumpiska sa warehouse sa Taguig City
Aabot sa 1,355 na kahon na naglalaman ng hindi rehistradong mga pagkaing produkto na luncheon meat na tinatayang nagkakahalaga ng P3,252,000 ang nakumpiska ng mga operatiba ng Southern Police District (SPD) Special Operations Unit sa kolaborasyon ng District Intelligence Division, NISG-NCR, Sub Station-2 Taguig City Police Station, mga kinatawan ng Field Regulatory Operations Office (FROO) at Regulatory Enforcement Unit (REU) ng Food and Drug Administration (FDA) na nagresulta rin ng pagkaaresto ng apat na indibiduwal dahil sa paglabag sa FDA Law, sa loob ng warehouse ng Veterans Center sa lungsod.
Ayon sa report ng SPD, nagsilbi ng search warrant No. 2024-052 na inisyu ng Taguig RTC ang law enforcement teams sa lugar bilang tugon sa ilegal na bentahan ng unregistered food products partikular na ang luncheon meat.
Sa gitna ng operasyon, dinakip ng otoridad ang mga suspek na sina alyas Angelica, 29-anyos, business owner; alyas Kristine, 44-anyos; cashier/secretary; alyas Mhar, 33-anyos, warehouse man; at alyas Joey, 41-anyos, warehouse man.
Samantala isinasagawa ang follow-up operation upang tugusin ang dalawa pang suspek na sina alyas Jinky; alyas Harry, at alyas Insu.
Nasamsam sa loob ng bodega ang mga ebidensiya kabilang ang marked money, sales receipts, at ang mga kahon-kahong unregistered luncheon meat.
Agad dinala ang mga naarestong suspek sa DSOU-SPD para sa dokumentasyon at inihahanda ang pagsasampa ng kasong paglabag sa FDA Law.
Kaugnay sa FDA’s “Oplan Katharos,” nag-isyu naman ng Report of Violation laban sa nabanggit na establisyimento dahil sa kawalan ng License to Operate, pagtatambak at pagbebenta ng unregistered food products.
Nagpapatuloy pa rin ang pagsisiyasat ng mga opisyal ng DSOU-SPD at FDA sa naturang kaso. (Bhelle Gamboa)