Higit 200 SK officials na hinihinalang nabiktima ng food poisoning sa Olongapo City, maayos na ang kondisyon
Nakalabas na ng ospital ang mahigit 200 SK officials na hinihinalang nabiktima ng food poisoning sa idinaos na Gender and Development Seminar sa isang 3-Star Rating Hotel na matatagpuan sa Subic Bay, Olongapo City.
Sa pahayag ng City Information Office ng San Carlos City, Pangasinan, pawang maayos na ang kalagayan ng mga naospital na SK officials.
Sa kasalukuyan ay patuloy ang ginagawang imbestigayson ng Olongapo LGU, Subic Bay Metropolitan Authority at ng San Carlos City LGU sa sanhi ng biglaang pagkakasakit ng mga lumahok sa seminar.
Hiniling din ni San Carlos City Mayor Mayor Julier Resuello na pansamantalang isara ang kitchen ng hotel habang ginagawa ang imbestigasyon.
Nakakuha na ng samples sa lahat ng mga inihandang pagkain sa naturang hotel, water sources at iba pang mga posibleng naging sanhi ng pagkakasakit ng mga lumahok sa seminar.
Ipinadala ang sample sa laboratoryo para sa microbe identification na tatagal ng dalawa hanggang tatlong araw bago lumabas ang resulta.
Pinag-aaralan na din ng legal department ng lungsod ang mga legal measure kapag natapos na ang imbestigasyon.
Kinansela na rin ng alkalde ang pangalawang batch ng mga opisyal na pupunta sana sa Subic Bay para rin sa seminar upang maagapan ang posibleng banta sa kanilang kalusugan habang patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad. (DDC)