Vietnamese national nailigtas, 3 Chinese nationals arestado sa ‘kidnapping’ sa Parañaque City
Nailigtas ng mga tauhan ng Paranaque City Police ang isang babaeng Vietnamese national at naaresto ang tatlong Chinese nationals na sinasabing dumukot sa biktima sa ikinasang rescue operation sa isang residential resort sa Barangay Tambo sa lungsod.
Ang biktima ay kinilalang si Lang, 23-anyos, isang turistang Vietnamese national.
Nadakip naman ng otoridad ang mga suspek na sina alyas Jun, 31-anyos; Hao, 27-anyos; at Zhang, 26-anyos, pawang private employees at Chinese nationals.
Nag-ugat ang operasyon kasunod ng report mula sa residential resort’s security personnel sa Tambo Police Substation kaugnay ng kidnapping incident.
Kaagad tinungo ng mga pulis at guwardiya ang condo unit kung saan nasagip ang Vietnamese at nagresulta ng pagkaaresto ng tatlong dayuhang suspek.
Sa gitna ng operasyon, narekober ng otoridad ang Taurus 9mm pistol na may magazine na kargado ng limang bala, C2 P-07 9mm caliber pistol na may kasamang magazine at pitong bala, North American Ans Black Widow 22 Magnum revolver, mga bala ng mga baril, ₱236,000 cash, ilang electronic devices kabilang ang Apple iPad, Apple MacBook Air, at pitong iPhones, Chinese passport ni alyas Liu, Vietnamese passport ni alyas Dong, set ng LTO Vehicle License Plates (CBP7996), Matte Black Ford Ranger Sport, 76 na pirasong ‘ecstasy tablets’ na nagkakahalaga ng ₱129,200, limang gramo ng umano’y shabu na umaabot sa ₱34,000.00.
Sa inisyal na imbestigasyon, ibinunyag ng biktima na kasali siya sa money exchange services business sa Manila kung saan kliyente nila ang ilang Chinese nationals at mga dayuhan na naghahanap ng pagpapalit ng currencies.
Noong August 6 ng alas-12:20 ng madaling araw tinawagan ang biktima ng isang Chinese national na nagngangalang Zhang sa pamamagitan ng Telegram online platform para makipagkita sa condo residence sa Barangay Tambo, Parañaque City kapalit ng Vietnam Dong para sa Philippine Peso.
Sa kanyang pagdating, nakipagkita siya kay Jun at isang Chinese national bago sila nagtungo sa isa sa mga yunit ng establisyimento.
Sa loob ng yunit, bigla na lang umanong pinagbantaan ang biktima ng suspek na si Hao gamit ang kutsilyo at sapilitang kinuha ang cellphone nito.
Pinagbantaan umano ang buhay ng biktima kapag hindi sumunod sa gusto o demand ng mga suspek kung saan ibiniyahe ng halos dalawang oras sa hindi pa tukoy na lugar bago siya dinala sakay ng Ford Ranger sa ibang condo sa Parañaque.
Dito umano tinutukan ang biktima ng baril at kinuha ang isa pa niyang iPhone kung saan nakuha ang kanyang password at facial ID kaya nabuksan ang online bank account nito at nailipat ang pera ni Lang sa hindi matukoy na account na umabot sa 8,940,000,000.00 VCB (Vietnamese Dong) o tinatayang ₱20-milyon. Bukod pa rito, ninakaw ng mga suspek ang ₱300,000 cash at ilang pirasong alahas ng biktima na nagkakahalaga ng ₱1,000,000 mula sa condominium nito.
Matapos tangayin ang pera at alahas ng biktima,inilipat ang biktima sa residential resort sa Barangay Tambo, Parañaque City kung saan ilegal siyang ikinulong at pisikal na inabuso ng mga suspek.
Umalis sa kuwarto ang tatlong suspek habang ang natira ang nagbantay sa biktima hanggang sa makatulog ang mga ito.Nagkaroon ng pagkakataon ang biktima na tumakas at humingi ng tulong sa
lobby security na siyang nagreport sa prisinto na nagresulta ng pagkakaligtas ng Vietnamese at pagkadakip ng tatlong suspek.
Patung-patong na kaso ang posibleng haharapin ng mga suspek kabilang ang Robbery, Grave Coercion, Illegal Detention, paglabag sa RA 10591 at RA 9165 na isasampa sa Parañaque City Prosecutor’s Office, kasama ang karagdagang robbery complaint na ihahain naman sa Pasay City Prosecutor’s Office sa pamamagitan ng inquest proceedings. (Bhelle Gamboa)