Las Piñas nagdiwang ng 50th Nutrition Month
Ipinagdiwang ng Las Piñas City ang kanyang 50th Nutrition Month sa isinagawang culminating activity nito sa SM Center sa Barangay Pamplona Dos.
Tampok sa aktibidad ang Grand Zumba Dancercise at seremonya ng pagpaparangal, na sinalihan ng mga miyembro at opisyal ng komunidad.
Dinaluhan ito ni Vice Mayor April Aguilar, na masugid na sumusuporta sa mga inisyatibang pangnutrisyon ng lokal na pamahalaan, na nagpapahayag ng kanyang paninindigan na isinusulong ang kalusugan at kagalingan ng mga Las Piñero.
Ang kaganapan ay pinangasiwaan nina City Nutrition Office Officer-in-Charge Dr. Julio Javier II at City Health Office Officer-in-Charge Dr. Juliana Gonzalez.
Kasama sa selebrasyon ang isang video presentation ng 2024 Nutrition Month activities, na sinundan ng Zumba session na masiglang sinalihan ng lahat ng mga dumalo.
Ang mga partisipante ay tumanggap ng parangal at pagkilala dahil sa isang buwan na aktibo nilang paglahok sa iba’t ibang aktibidad pangnutrisyon sa lungsod nitong Hulyo.
Binigyang-diin dito ang dedikasyon sa pagsusulong ng malusog na komunidad na nakahanay sa temang “Sa PPAN Sama-Sama sa Nutrisyong Sapat Para sa Lahat,” na humihikayat ng sapat na nutrisyon para sa lahat.
Ang pagdiriwang na ito ay bahagi sa pinagsama-samang hakbang ng lokal na pamahalaan, health professionals, at komunidad para tiyakin ang nutrisyunal na kagalingan ng mga residente ng Las Piñas. (Bhelle Gamboa)