19 OFWs at tatlong bata mula Lebanon nakauwi na sa bansa
Ligtas na napauwi sa bansa ng ating gobyerno ang 19 na overseas Filipino workers (OFWs) at tatlong bata mula sa Lebanon ayon sa Department of Migrant Workers (DMW).
Ngayong umaga ng Huwebes lumapag ang sinasakyang Qatar Airways QR 934 ng Pinoy repatriates sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 sa Pasay City.
Nagkaloob ang DMW at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ng P100,000 na tulong pinansiyal sa bawat umuwing OFW returnee, kasama rin dito ang komprehensibong reintegration assistance at job facilitation services para sa mga oportunidad sa trabaho.
Tumanggap ang lahat ng livelihood assistance na nagkakahalaga ng P20,000 mula sa Department os Social Welfare and Development (DSWD), at skills training vouchers mula sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Nagbigay din ang Department of Health (DOH) ng onsite medical assistance upabg siguruhin ang kaulusugan at kagalingan ng OFW returnees.
Sa repatriation ng naturang batch, umabot na sa kabuuang 1,085 OFWs at 43 dependents returnees mula sa Lebanon dahil sa kaguluhan sa pagitan ng Israel at Hamas, sa pamamagitan ng pinagsamang hakbang ng DMW, OWWA, at DFA. (Bhelle Gamboa)