DA magsasagawa ng pagbabakuna kontra ASF
Magsasagawa ng pagbabakuna laban sa African Swine Fever (ASF) ang Department of Agriculture (DA) at ang Food and Drug Administration (FDA) sa ikatlong quarter ng taong 2024.
Sa joint press conference, sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel, Jr. na isinasapinal na ng Bureau of Animal Industry (BAI) ang guidelines para sa paggamit ng ASF vaccines.
Boluntaryo ang gagawing pagbabakuna at prayoridad ang mga commercial farms, semi-commercial enterprises, at clustered backyard farms.
Kabilang sa target ng pagbabakuna ang mga lugar na nasa Red Zones at Pink Zones.
Sa ilalim ng DA Administrative Circular No. 2, series of 2022, ang mga munisipalidad o lungsod na mayroong kumpirmadong ASF cases at kumalat na sa mga barangay sa loob ng 15-araw ay sasailalim sa Red Zone.
Habang Pink Zone naman kung nasa Metro Manila at mga lungsod o munisipalidad na walang na-detect na ASF pero katabi lamang ng lugar na nasa Red Zone.
Base sa datos ng National ASF Prevention and Control Program (NASFPCP) ng BAI, mayroong 403 Red Rones at 737 Pink Zones sa bansa.
Inaasahan ng DA na sa ikatlong quarter ng taon, darating sa bansa ang 150,000 doses ng ASF vaccines.
Ayon kay FDA Director General Samuel Zacate, ang bakuna ay sumailalim sa dalawang taon na clinical trials at napatunayang ligtas. (DDC)