Katarungan caravan inilunsad ng DOJ sa BuCor
Pinuri ni Bureau of Corrections Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. ang Katarungan Caravan na pinangasiwaan ng Department of Justice Action Center (DOJAC) sa kolaborasyon ng Public Attorney’s Office (PAO) at Legal Aid Society upang tugunan ang pangangailangang legal ng persons deprived of liberty (PDLs).
Sa paggabay ni Justice Secretary Crispin “Boying” Remulla at superbisyon ni Undersecretary Margarita N. Gutierrez, aabot sa 15 na abogado na nasa ilalim ng DOJAC ang magbibigay ng legal services gaya ng pagbalangkas sa nga kahilingan ng kuwalipikadong PDLs para sa Good Conduct Time Allowance (GCTA) at parole, paghahanda ng mga endorso sa BuCor at iba pang katulad na mga serbisyo.
Sinabi ni Catapang na mapapalakas nito ang “Bilis Laya Program” ng administrasyon at malaking tulong din sa decongestion program ng BuCor.
“Ang BuCor nakakapagpalaya ng 500 to 1,000 PDLs monthly, yan yung mga acquitted, sentence served, paroled pero may mga darating naman doble or mas marami pa sa pinalaya namin, kaya talaga itong ginagawa ng DOJ ay napaka laking tulong sa amin,” ani Catapang.
Base sa datos ng BuCor, aabot na sa 2,451 PDLs magmula June 2022 at sa kasalukuyan ang nakatapos ng kanilang sentensiya at nagdusa ng maraming taon sa kulungan sa mga operating prisons and penal farms na nakalaya lamang matapos maabswelto mula sa kanilang kaso.
Sa kaso ni PDL Gideon Señarosa na nakulong noong June 30, 1995 at tinanggap sa isa sa nga pasilidad ng BuCor noong April 9, 2005 sa bisa ng commitment order na inisyu ng korte para sa kasong murder na may hatol na reclusion perpetua at attempted murder na senintensiyahan siya ng minimum na anim na taon pagkakakulong hanggang 10-taon at isang araw bilang maximum.
Siya ay naabsuwelto sa mga kasong isinampa laban sa kanya at nakalabas siya mula sa corrections facility noong February 2023 matapos makulong ng 27 na taon, pitong buwan at 14-araw.Si Señarosa ang binansagang PDL na may pinakamahabang araw na nakulong bago ang kanyang acquittal na nahatulan ng habambuhay na pagkabilanggo habang ang PDL na si Arman Emam Macabalang dahil sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 naman ang naitalang pinakamaikling araw ng pagkakakulong bago siya maabsuwelto kung saan nakulong lamang siya ng 11 na buwan at 10-araw sa kulungan, sa bisa ng Court of Appeals Decision. Nabatid na lumaya sa kulungan si Macabalang noong September 7, 2023.
Ikinatuwa rin ni Catapang ang pag-apruba ng Department of Budget and Management para sa empleyo ng karagdagang 178 lawyers ng Public Attorney’s Office.
“It is a welcome move to augment the overworked PAO lawyers and this will mean more lawyers who can assist not only PDLs other underprivileged and disadvantage members of the society,” pahayag ni Catapang. (Bhelle Gamboa)