Mga apektadong pamilya na nananatili sa Las Piñas evacuation centers patuloy na tinutulungan
Patuloy na nakakatatanggap ng kaukupang tulong mula sa Pamahalaang Lungsod ng Las Piñas ang mga pamilyang apektado ng baha na nananatiling nanunuluyan sa dalawang evacuation sites sa lungsod.
Sa pinakabagong evacuation management report ng lokal na pamahalaan ngayong July 25, nasa 31 na pamilya o katumbas ng 120 indibiduwal pa ang kasalukuyang nanululuyan sa Manuyo Uno Elementary School sa Barangay Manuyo Uno habang 93 na pamilya o 355 evacuees ang tumutuloy sa Central Elementary School sa Brgy. Elias Aldana.
Nakabalik naman sa kani-kanilang tahanan ang 11 pamilya mula sa evacuation sa Pulanglupa Dos matapos humupa ang baha sa kanilang lugar at ang anim pang pamilya na galing sa evacuation sites sa Manuyo Dos Covered Court at Gatchalian Phase 2 Clubhouse.
Kahapon muling binisita ni Vice Mayor April Aguilar kasama si Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO) head Alejandro Dela Merced ang mga evacuees sa mga nabanggit na lugar upang tugunan ang agarang mga pangangailangan ng mga apektadong residente.
Ayon kay VM Aguilar patuloy na pinaprayoridad ng Las Piñas LGU ang kaligtasan at kapakanan ng mamamayan nito lalong lalo na sa ganitong panahon ng kalamidad.
Matatandaan na maagap na nagpatupad ang lokal na pamahalaan ng preemptive evacuation nito para sa mga residente sa mababang lugar bago ang mtitinding pag-uulan na dulot ng bagyong Carina at habagat kamakailan.
Bukod sa matutuluyan nagbigay ang pamahalaan ng mga pagkain at tulong medikal sa mga apektadong residente.
Malapit din ang pakikipag-ugnayan ng Las Piñas LGU sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan para sa epektibong disaster response and recovery ng lungsod. (Bhelle Gamboa)